Alkimiya
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang alkimiya ay isang sinaunang mala-agham na may elemento ng kimika, pisika, astrolohiya, sining, semiotika, metalurhiya, medisina, mistisismo, at relihiyon. Tatlo ang pangunahing layunin ng maraming alkimiko. Isa sa pinakakilala rito ay ang layuning makagawa ng ginto o ng pilak mula sa ano mang karaniwang metal sa pamamagitan ng transmutasyon (pagbabagong-anyo). Sinubukan din nilang gumawa ng isang tanging gamot na makapagpapagaling sa lahat ng sakit at magpapahaba ng buhay. Isa rito ay ang paggamit ng bato ng pilosopo. Ang maalamat na batong ito, na maaaring ring pulbos o likido, ay may katangian daw gawin ang dalawang nasabi. Ang paglalang ng buhay ng tao ang ikatlong layunin nito. Sinasabing ang alkimiya ang siyang pinagmulan ng makabagong agham ng kimika bago ang pormulasasyon ng makaagham na pamamaraan.
[baguhin] Ugat ng salita
Ang salitang alkimiya ay mula sa salitang Arabe na al-kīmiya o al-khīmiya (الكيمياء or الخيمياء), na maaring binuo mula sa pantukoy na al- at salitang Griyegong khumeia (χυμεία) na may kahulugang "humubog", "maghinang", "humulma" at iba pa (mula sa khumatos, "na siyang ibinuhos, isang kinapal na metal"). Ang isa pang sinasabing pinagmulan ng salitang Arabeng al-kīmiya ay ang kahulugang literal nito na "agham ng Ehipto" na galing sa salitang Coptico na kēme (o sa dialektong Coptico na Bohairico na isunusalat khēme. Ang salitang Coptico ay galing naman sa salitang Demotico kmỉ, na galing naman sa lumang Ehipsyong salitang kmt. Ang salitang ito ay tumutukoy sa bansa o kulay na "itim" (Lupang Itim ang Ehipto; Lupang Pula ang disyertong nakapalibot dito.) Kaya ang paghiram nito sa wikang Arabe ay naaangkop sa "itim na sining mula sa Ehipto". Ngunit isang kautusan ni Emperador Diocleto na isinulat mga taong 300 CE sa Griyego ang nagsasaad laban sa "matatandang sulat ng mga Ehipsyo tungkol sa pagbabagong-anyo (khēmia) ng ginto at pilak." Kaya sinasabi na ang salitang Arabe na ito ay galing sa Griyego at hindi isang Coptico at naikabit lamang sa lumang wikang Ehipsyo sa pamamagitan ng "katutubong etimolohiya" ayong sa mga linggwista.
[baguhin] Pananaw
Ang karaniwang paniniwala na mga huwad na siyentipiko ang mga alkimiko na nagsikap makagawa ng ginto mula sa tingga, at naniwalang ang lahat ng bagay ay binubuo ng apat na elemento: lupa, hangin, apoy at tubig, at ang kanilang gawa ay nasasamahan ng mistisismo at salamangka. Sa kasalukuyang paningin, ang kanilang mga gawa at paniniwala ay maliit sa katotohanan; ngunit kung may matuwid tayo, ating hatulan sila sa mga pangyayari noong kapanahunan nila. Sila ang mga naunang sumubok na manaliksik sa kalikasan bago pa man dumating ang mga kagamitan at panuntunan pang-agham. Sa halip, sila'y sumunod sa mga karaniwang tuntunin, kaugalian, obserbasyon at mistisismo upang maipaliwanag ang mga bagay sa paligid nila.
Upang maunawaan natin ang mga alkimiko, tingnan natin ang kamangha-manghang salamangka ng pagbabagong anyo ng isang materya. Ito ang naging simula ng metalurhiya makaraan ang panahong Neolitika na kung saan ang isang kultura ay walang pormal na pang-unawa sa larangan ng pisika o kimika. Sa kanila, walang kadahilanan na paghiwalayin ang dimensyong kimika (materyal) sa dimensyong makahulugan, simboliko o makatuwiran man. Noong mga panahong iyon, ang isang larangan ng pisika na walang pananaw sa metapisika ay kulang o salat kahambing ng metapisikang walang patotoong pisika. Dahil dito ang mga simbolo at prosesong alkimika ay may kahulugang pangloob na nauukol sa pagpapayamang espirituwal ng isang praktisyoner gayun din ang isang kahulugang materyal na kadugtong sa pisikal na pagbabagong anyo ng isang bagay.
Ang transmutasyon (pagbabagong-anyo) ng isang karaniwang metal upang maging ginto ay simbolo ng pagpapawis nila tungo sa kadalisayan o tuktok ng kanilang tunay na pag-inog. Naniniwala sila na ang buong sanlibutan ay tungo sa kadalisayan at ang ginto, dahil sa anking katangiang walang- kabulukan, ay sinasabing pinakadalisay ng sustansya. Sa kanilang pagsaliksik sa paglalang ng ginto mula sa ibang metal, kanila lamang tinutulungan ang santinakpan. Matuwid rin namang isipin na sa pag-aaral nilang alamin ang lihim ng ginto na walang-kabulukan ay susi rin sa paglutas ng sakit at pagkabulok ng mga organikong bagay. Ito ang dahilan ng temang kimika, espirituwal, at astrolohika na bumabalot sa alkimiya noong Panahong Medyebal.
Hindi dapat ipagwalang bahala ang mga ginawa ng mga tapat na praktisyoner ng alkimika ngayo't may ilan sa kanila ang walang muwang sa interpretasyon o halos nagmamarunong lamang upang magbigay pag-asa sa tao. Anupa't ang larangan ng alkimika ay uminog sa mahabang panahon na nagsimula bilang sangay metalurhika o medisina ng relihiyon hanggang maging isang lubusang larangan ng pag-aaral na nagluwal sa mistisismo o tuwirang pangloloko na sa kalaunan ay nagbigay ng karunungang empiriko sa larangan ng kimika at makabagong medisina.
Hanggang siglo diseotso, ang alkimiya ay isang seryosong agham sa Europa. Halimbawa, nagbuhos nang mas maraming panahon si Isaac Newton sa pananaliksik at pagsusulat ukol sa alkimika kaysa sa larangan ng optika o pisika na kung saan siya nabantog. Sina Roger Bacon, San Tomas de Aquino, Tycho Brahe, Thomas Browne, at Parmigianino ang ilan sa mga bantog na alkimiko. Ang paglubog ng alkimika ay nagsimula noong siglo 18 nang isilang naman ang makabagong kimika na nagbigay nang tamang balangkas o kaalaman sa pagbabagong-anyo ng mga bagay, at ng medisina na sa loob nito ay bagong disensyo ng sanlibutan ayon sa materyalismong matuwid. Noong unang kalahatian ng siglo 19, si Baron Carl Reichenbach, isang kilalang kimiko, ay nanaliksik sa mga konsepto na katulad na masusumpungan sa alkimiya tulad ng lakas Odico ngunit ang kanyang pananaliksik ay di pumasok sa talakayang maka-agham.
Ang transmutasyon ng isang bagay, isang pinakamimithiin ng sinaunang alkimiya, ay napabalita nitong siglo 20 nang ang mga pisiko ay nakalalang ng atomong ginto mula sa atomo ng tingga sa pamamagitan ng reaksyon nukleyar. Alalaungbaga, ang bagong atomong gintong ito ay di-panatag na isotopo kaya nagiba o nabulok agad matapos ang limang segundo. Kamakailan din, may mga ulat din tungkol sa transmutasyon - sa pamamagitan ng elektrolisis o kabitasyong soniko (sonic cavitation) - na nagdulot ng kontrebersya tungkol sa malamig na pagsasanib (cold fusion) ng mga elemento noong 1989. Wala sa mga bagong tuklas na ito ang napatunayang magagawang muli sa laboratoryo. Gayunpaman, ang mga kondisyon dito ay wala pa sa abot ng mga sinaunang alkimiko.
May ilan-ilang simbolismo ng alkimiya ang ginagamit sa siglo 20 ng mga sikologo at pilosopo. Nagbalik-tanaw si Carl Jung sa simbolismo at hinuang alkimika nang kanyang ipakita ang kahulugang pangloob ng mga gawa nila bilang daan tungo sa espirituwal. Sinasabing muling nabuhay na naman ang pilosopiya, simbolo at pamamaraang alkimika sa post-modernong kaisipan tulad ng New Age movement (Kilusan sa Bagong Panahon). May ilang pisiko na umungkat ng mga ideyang alkimika na masusumpungan sa The Tao of Physics (Ang Tao ng Pisika) at The Dancing Wu Li Masters (Ang Indak ng mga Maestro ng Wu Li).
Isang lumalakas na larangan ng pag-aaral ang kasaysayan ng alkimiya. Sa unti-unting pag-unawa sa wikang ermitanyo ng mga alkimiko, ang mga manunulat ng kasaysayan ay nagiging sensitibo at pamilyar sa relasyon nito sa ibang paksa ng kasaysayan ng kulturang kanluranin tulad ng lipunang Rosicrucian at iba pang lipunang mistiko, panggagaway, at gayun din ang pag-inog ng agham at pilosopiya.
[baguhin] Kasaysayan
Binubuo ng maraming tradisyong pangpilosopiya na sumasaklaw sa apat na libong taon at tatlong lupalop ang alkimiya. Sa kanilang paggamit ng mga wikang palihim at mga simbolo ang nagpapahirap upang matunton ang kanilang impluwensya at pinagmulan.
Masasabing may dalawang malinaw na hibla at sinasabing malaya sa bawat isa sa pagsibol nito: ang alkimiyang Tsino na nakasentro sa Tsina at sa mga nasasakupan nito; at ang ang alkimiyang kanluranin na kung saan nakatoon ang may ilang libong taon nito sa Ehipto, Grecia, at Roma, sa mga bansang Islamika, at sa kalaunan sa Europa. Malapit na nauugnay sa Taoismo ang alkimiyang Tsino. Ang kanluraning alkimiya ay gumawa ng kanyang sistemang pilosopiya na may panglabas na kaugnayan lamang sa mga malalaking relihiyong kanluranin. Isa pa ring katanungan na hindi pa nasasagot ngayon ay kung ang dalawa o kung isa ang pinagmulan o nagkaroon sila ng impluwensya sa isa’t isa.
[baguhin] Alkimiya at astrolohiya
Sinasabing ang alkimiya ng kanluran at ipa bang lugar na kung saan ito kumalat ay nauugnay at may relasyon sa tradisyonal na astrolohiyang Babilonya-Griyega at sa maraming bagay ay binuo upang magkapupunan (complement) sa isa’t isa sa paghahanap sa natatagong karunungan. Sinasabi ng tradisyon na ang pitong planeta sa ating sanlibutan ay sinasabing nauugnay o naghahari sa ilang metal dito sa lupa.
[baguhin] Alkimiyang Tsino
Kung saan ang kanluraning alkimiya ay nakatuon sa pagbabagong anyo ng pangkaraniwang metal upang maging isang mamahaling metal, ang alkimiyang Tsino ay may malinaw na may kaugnayan sa medisina. Ang bato ng pilosopo ng mga alkimikong Europeo ay nahahambing sa Dakilang Eliksir ng Buhay na Walang Haggan na hinahanap ng mga alkimikong Tsino. Ngunit sa ermitanyong pananaw, ang dalawang layuning ito ay di magkaugnay. Ang bato ng pilosopo ay sinasabing inihahambing sa pangsanlibutang gamot. Datapuwat ang dalawang tradisyon ay sinasabing magkalapit rin kahit hindi sa unang tingin.
Sinasabing ang itim na pulbos (pulbura) ang sinasabing pinakamahalagang imbensyon ng mga alkimikong Tsino. Ito ay nabanggit sa mga kasulatang nasulat noong siglo 19, ginamit ito sa mga paputok noong siglo 10, ginamit rin sa mga kanyon noon taong 1290. Mula sa Tsina, ang paggamit ng pulbura ay kumalat sa Hapon, ginamit ng Mongol, ng mga Arabe at sa Europa. Ginamit ng mga Monggol ang pulbura laban sa mga Unggaro (Hungarians) noong 1241 at sa Europa simula ng siglo 14.
Ang alkimiyang Tsino ay malamit na naugnay sa porma ng medisina ng Taoismo tulad ng akupunktura at pagbebentosa (at sa mga sining ng labanan tulad ng Tai Chi Chuan at Kung Fu (gayunman ilang eskwela ng Tai Chi ang nagsasabi na ang kanilang sining ay galing sa pangkalusugan o pang-isip na sanga ng Taoismo at hindi sa sangang alkimiko.
[baguhin] Alkimiyang mula sa India
Kakaunti ang kaalaman ng kanluran sa karakter at kasaysayan ng alkimiya mula sa India. Sinasabing may isang alkimiko noong siglo 11 mula sa Persya na nagngangalang al-Biruni ang nag-ulat na sila raw ay "may agham na katulad ng alkimiya ngunit kakaiba na tinatawag na Rasavātam. Ang sining na ito ay nauukol sa ilang gawain, droga, kompuwesto, at gamot na sa karamihan ay galing sa halaman. Ang simulain nito ay magpagaling ng may sakit na walang pag-asa at magpapabata sa mga matatanda. Isa sa pinakamagandang halimbawa ng agham na ito ay ang Vaishashik Darshana ng Kanad (fl. 600 BC), na nagpapaliwanag ng hinuang atomika isang-daang taon bago man inilathala ito ni Democritus.
[baguhin] Alkimiya mula sa Matandang Ehipto
Ang karamihan sa mga alkimiko sa kanluran ay tumutunton sa matandang Ehipto (noong panahon ng mga Faraon) bilang ugat ng kanilang sining. Ang metalurhiya at mistisismo ay magkaniig noong mga panahong iyon na kung saan ang isang pangkaraniwang metal ay napakikinang na para bang isang salamangka na nababalutan ng misteryong alituntunin. Dahil dito, masasabing ang alkimiya ng Ehipto ay saklaw ng mga angkan ng pari.
Sa totoo, walang orihinal na kasulatan tungkol sa alkimiya mula sa Ehipto ang masusumpungan ngayon. Ang mga kasulatang ito kung mayroon man ay mga nangawala nang ipasunog ni Emperador Diocleto matapos puksain ang rebelyon sa Alejandria (292) na pusod ng alkimikang Ehipsyo. Ang alkimikang Ehipsyo ay nabantog lamang dahil sa mga kasulatan ng mga pilosopong Griyego (Helenika) na kung saan nakaligtas naman sa mga saling kasulatang Islamika.
Ang diyos Tot, na tinatawag na Hermes-Tot or Makatatlong Dakilang Hermes (Hermes Trismegistus) ng mga Griyego, na ayon sa alamat, ang nagtayo ng alkimiyang Ehipsyo. Ayon sa alamat, sumulat raw siya ng apatnaput-dalawang Aklat ng Karunungan na sumasaklaw sa lahat ng larangan ng karunungan - kasama ang alkimiya. Ang sagisag ni Hermes ay ang kadoseyos o tungkod na may kulebra, na naging isa sa mga pangunahing sagisag ng alkimiya. Ang Tabletang Batong Esmeralda o Hermetica ng Makatatlong Dakilang Hermes na napag-alaman lamang sa mga saling Griyego at Arabe ang siyang nauunawaang humubog sa kanluraning pilosopiya at pagpapraktis sa alkimika na tinatawag na pilosopiyang ermetika ng mga naunang praktisyoner.
Nasasaad sa layunin ng agham ermetika ang unang punto ng Tabletang Batong Esmeralda: "sa katiyakan ng katotohanan na walang alinlangan, kung ano ang nasa ibaba ay siya ring nasa itaas, at kung ano ang nasa itaas ay siya ring nasa ibaba, upang makagawa ng isang milagro sa isang bagay." (Burckhardt, p. 196-7). Ito ang makrokosmo-mikrokosmong paniniwala na buod sa pilosopiyang ermetika. Sa madaling salita, ang katawan ng tao (ang mikrokosmo) ay napupukaw ng panglabas na mundo (ang makrokosmo) kasama rito ang kalangitan sa pamamagitan ang astrolohiya, at lupa sa pamamagitan ng mga elemento. (Burckhardt, p. 34-42)
Matapos rito, sinakop ng mga Mecedoniang Griyego ang Ehipto at nagpundar sa lungsod ng Alejandria noon 332. Nagdulot ito sa kanila ng mga kaisipang Ehipsyo.
[baguhin] Alkimiya sa Mundo ng mga Griyego
Ang Griyegong lungsod ng Alejandria sa Ehipto na pusod ng karunungang alkimika ng mga Griyego at nagpanatili ng pagkabantog nito noong panahong Griyego-Romano. Ikinalat ng mga Griyego ang mga paniniwalang ermitanya ng mga Ehipsyo at isinama sa mga pilosopiyang Pitagoriyanismo, ionianismo at gnostisismo. Ang pilosopiyang Pitagoriyano, sa kabuuran, ay ang paniniwala na ang numero ang naghahari sa sanlibutan. Nagmula ito sa obserbasyon ng tunog, ng mga bituin at mga heometrikong hugis tulad ng tatsulok o anumang may ratio. Ang ionyang kaiisipan ay batay sa paniniwalang ang sanlibutan ay maipaliliwanag sa pamamagitan ng pagsanibsanib o konsentrasyon ng mga kababalaghan sa kalikasan. Ang pilosopiyang ito ay sinasabing galing kay Tale at kanyang estudyanteng si Anajimandro na sa kalaunan ay isinaayos ni Plato at Aristoteles na kung saan ang kanilang mga gawa ay naging bahagi ng alkimiya. Ayon sa paniniwalang ito, ang sanlibutan ay maipaliliwanag sa pamamagitan ng ilang pinagsamang [[batas[[ ng kalikasan na masusumpungan lamang sa pamamagitan ng masusing pagsusuring pangpilosopiya. Ang ikatlong bahaging ipinasok sa pilosopiyang ermitanya ng mga Griyego ay ang gnosticismo. Talamak ang paniniwalang ito sa mga Kristiyano matapos ang Kristiyanong imperyong Romano na kung saan sinasabing ang mundo ay hindi wagas dahil ito'y nilalang nang may kamalian at ang pag-aaral tungkol sa kalikasan ng mga bagay espirituwal ang magdadala sa kanyang kaligtasan. Hindi raw nilalang ang sanlibutan ng Diyos sa klasikong paraan. Sa halip ang sanlibutan ay nilalang "mula" sa kanya ngunit ito'y nadungisan habang ito'y nilalalang (sa halip na nadungisan dahil sa kasalanan ni Adan at Eba, i.e., kasalanang orihinal). Ayon sa pananampalatayang Gnostiko, sumamba ang isang tao sa Tunay na Diyos kapag ito ay sumasamba sa kosmos, kalikasan o anumang nilalang sa mundo. Ang mga Gnostiko ay di naghahanap ng kaligtasan sa kasalanan, sa halip sila'y naghahanap upang maka-iwas sa kamangmangan sa paniniwalang ang kasalanan ay bunga lamang ng kamangmangan. Kanila ring tinatanggap ang mga hinuang Platoniko at neo-Platoniko tungkol sa kaganapan at kapangyarihan ng Diyos.
Ito ang isang napakahalagang konseptong iminungkahi noong kapanahunang iyon na sininumulan ni Empedoceles at pinagyaman ni Aristoteles: ang lahat ng bagay sa sanlibutan ay binuo mula sa apat ng elemento: lupa, hangin, tubig at apoy. Ayon kay Aristoteles, ang bawat elemento ay may kanyang daigdig na kung saan ito'y babalik kapag hindi ginambala. (Lindsay, p. 16) Ang apat na elemento ng mga Griyego ay karaniwang tungkol sa katangian ng bagay at hindi sa bilang o rami tulad ng ating mga makabagong elemento. "... Hindi sinasabi sa tunay na alkimiya sa kasalukuyang kaisipan na ang lupa, hangin, tubig, at apoy ay corporeal (katawang-tunay) o mga sustansyang kimika. Ang apat na elementong ito ay sinasabing pangunahing katangian na kung saan nagpapairal sa sarili sa kakaibang porma ang isang dalisay na sustansyang walang hugis." (Hitchcock, p. 66) Sa dakong huli, masusing pinagyaman ng mga alkimiko (kung si Plato at Aristoteles ay masasabing alkimiko) ang mistikong aspeto ng kaisipang ito.
[baguhin] Alkimiya sa Imperyong Romano
Inangkin ng mga Romano ang alkimika at metapisikang Griyego katulad nang kanilang pag-angkin sa mga karunungan at pilosopiyang Griyego. Matapos bumagsak ang Imperyong Romano, ang alkimiko at pilosopiyang Griyego ay nasamahan ng mga pilosopiyang Ehipsyo na nagbunga ng isang kultong tinatawag na Ermitisismo.
Ngunit ang pag-usad ng Kristiyanismo sa Imperyo ay nagdulot ng isang baliktad na kaisipan mula kay Agustin (354-430 AD), isang naunang pilosopong Kristiyano na sumulat ng kanyang paniniwala bago pa man bumagsak ang Imperyong Romano. Sa buod nito, pakiramdam niya na ang isip at pananampalataya ang kailangan upang maunawaan ang Diyos ngunit may kasamaan (diyabolika) daw ang pilosopiyang eksperimental: " Dumadaloy sa kaluluwa, katulad ng nararamdaman ng katawan, ang isang pagnanasa at pag-usisa hindi tungo sa pagpapasarap ng laman kundi upang maranasan ng katawan ang hubad na pagnanasa sa agham at karunungan." (Augustine, p. 245)
Ang kaisipang Agustino ay kontra sa mga eksperimento datapuwat nang ang mga teknikong eksperimento ni Aristoteles ay dumatal sa kanluran di naman ito pinuksa. Gayunpaman, ang kaisipang Agustino ay pumasok sa lipunang medyebal at ginamit upang ipakita na ito'y di maka-Diyos. Sa kalaunan, noong katanghalian ng Panahon Medyebal, ang kaisipang ito ang nagdulot ng tuluyang hidwa sa alkimiya na nagmula sa relihiyong nag-aruga sa kanyang pagsilang.
Tulad ng karunungang Griyego at Ehipsyo, karamihan sa karunungang Romano sa alkimiya ay nangawala na. Sa Alejandria na pusod ng alkimikong pag-aaral noong Imperyong Romano, ang sining na ito ay pabukang-bibig (oral) dahil sa palihim na interes at kakaunti ang nakasulat. (Kaya’t kapag ginagamit ang salitang "ermitika o ermitanyo" ito ay may pakakahulugang "palihim") (Lindsay, p. 155) Maaring ang ilang kasulatan ay ginawa sa Alejandria ngunit nang kalaunan ay nawala o nasunog sa mga sunog ng mga sumunod na magugulong panahon.
[baguhin] Alkimiya sa daigdig Islamika
Matapos bumagsak ang Imperyong Romano, natuon ng pag-unlad sa alkimika sa Gitnang Silangan. Marami ang alam ngayon tungkol sa alkimikong Islamika dahil naisulat ito ng mabuti. Sa katunayan, marami sa mga naunang kasulatan ay dumatal sa ating panahon dahil sa mga saling Islamika nito. (Burckhardt p. 46)
Sinasabing isang tunawang kawa (melting pot) sa alkimiya ang daigdig Islamika. Sinasabing ang kaisipang mula kay Plato at Aristoteles, na kahit pumasok na sa ermitanyong agham, ay patuloy na tinanggap nila. Maraming alkimikong Islamika tulad ni al-Razi (Latin Rasis o Rhazes) ang nagbigay ng kanilang tuklas kimika tulad ng tekniks ng distelasyon (ang salitang alembik at alkohol ay salitang galing sa Arabe), mga asido tulad ng muryatiko, sulpurik at nitriko, soda (al-natrun) at potasyo (alkali) - na kung saan kinuha ang pangalang pandaigdig nito - Sodium at Potassium, Natrium at Kalium – at marami pang iba. Ang pagkakatuklas ng aqua regia (maharlikang tubig), pinaghalong asido nitriko at muryatiko, na nakatutunaw sa pinakamaharlikang metal - ang ginto - ay nagdulot ng mga guniguni sa mga alkimiko sa mga sumunod na libong taon.
Ang mga pilosopong Islamiko ay nagbigay ng maraming abuloy sa ermitisismong alkimika. Isa sa pinakamaimpluwensang mangangatha sa larangang ito ay si Jabir Ibn Hayyan (Arabe جابر إبن حيان, Latin Geberus; karaniwang sinasalin sa Inggles bilang Geber). Ang pinakataas na pangarap ni Jabir ay ang takwin, ang artipisyal na paglalang ng buhay kasama rito ang buhay ng tao sa laboratoryong alkimiko. Kanyang sinuri ang bawat elemento ni Aristoteles sa pamamagitan ng apat na pangkaraniwang katangian - init, lamig, tigang (dry), at masâ (moist). (Burkhardt, p. 29) Ayon kay Geber, sa bawat metal dalawa sa katangiang nito ay nasa loob at dalawa naman ang nasa labas. Halimbawa, ang tingga ay malamig at tigang sa labas ngunit ang ginto ay mainit at mamasa-masâ. (Kaya kanyang ipinalagay na kapag iniayos ang mga katangian ng isang metal, isang kakaibang metal ang mabubuo o lilitaw. (Burckhardt, p. 29) Sa kaisipang ito nagbunga ang pag-aapuhap sa bato ng pilosopo sa kanluraning alkimiya. Bumuo si Jabir ng pasikot-sikot na numerolohiya na kung saan ang ugat na pangalan nito sa Arabeng titik na kapag inilagay sa maraming pagsasaayos ay tatama sa mga katangian ng isang elemento.
Tanggap ngayon na ang mga alkimikong Arabe ay naimpluwensyahan ng alkimikang Tsino ngunit ang abot nito ay di alam. Gayundin, ang karunungang mula sa India ay pumasok din sa alkimikang Islamika ngunit ang rurok at bisa nito ay di rin alam.
[baguhin] Alkimiya sa Europa noong Panahong Medyebal
Dahil sa malaking kauganayan nito sa kulturang Griyego at Romano, ang alkimiya ay madaling tinanggap sa pilosopiyang Kristiyana. Manapa’y napakalakas ang pagtanggap sa karunungang alkimika mula sa Islam ng mga alkimikong Europeo. Si Gerberto ng Aurillac na naging Papa Silvestre II (d. 1003) ang isa sa mga nagdala ng agham Islamika sa Europa sa pamamagitan ng Espanya. Nang lumaon, si Adelardo ng Bath na nabuhay noong siglo 12 ay nagpasok din ng dagdag karunungan. Bago ang siglo 13, ang pag-usad nito sa Europa ay banayad lamang. (Hollister p. 124, 294)
Noong panahong ito, sinasabing lumihis ito sa prinsipyong Agustino ng mga naunang pilosopong Kristiyano. Si San Anselmo na isang Agustino ang naniwala na ang pananampalataya ay una sa pagmamatuwid katulad ng panilawa ni Agustin at mga naunang teologo. Ngunit si Anselmo ay nagmungkahi nagpupunan (complements) sa pananampalataya ang pagmamatuwid. Kanyang pinagyaman ang pagmamatuwid sa kaisipang Kristiyano. Ang pananaw niyang ito ang mabilis na nag-usad sa pag-unlad ng pilosopiya. Sumunod si San Abelardo sa pagtatatag ng pagtanggap ng pilosopiyang Aristoteles bago pa man dumating sa kanluran ang mga obrang katha tungkol dito. Ang malaking impluwensya niya sa alkimiya ay ang paniniwalang ang kalibutang Platoniko ay di umiinog sa labas ng konsyensya ng tao. Isinaayos ni Abelardo ang pagsusuri ng pagkakasalungat ng pilosopiya. (Hollister, p. 287-8)
Si Robert Grosseteste (1170–1253) ay una sa pag-uusad ng hinuang agham na gagamitin at pagyayamanin ng mga alkimiko. Kanyang kinuha ang pamamaraan ni Abelardo at nagdagdag ng paggamit ng obserbasyon, eksperimentasyon, at pasiya sa paggawa ng ebaluwasyong maka-agham. Gumawa rin siya ng tulay upang pagdugtungin ang kaisipang Platoniko at Aristoteleano. (Hollister pp. 294-5)
Si Alberto Magno (1193–1280) at Tomas de Aquino (1225–1274) ay parehong Dominikanong nag-aral ng pilosopiya ni Aristoteles at nagtrabaho upang pag-akmain ang pagkakaiba ng pilosopiya at Kristiyanidad. Masigasig na nagtrabaho si Aquino sa pagpapaunlad sa paraang maka-agham. Siya ay nagsabing ang sanlibutan ay masusumpungan lamang sa pamamagitan ng makatuwirang pag-iisip: ito ay salungat sa karaniwang paniwalang Platoniko na ang sanlibutan ay masusumpungan lamang sa pamamagitan ng banal na kaliwanagan. Si Magno at Aquino ang mga unang sumuri sa hinuang alkimika at masasabing alkimiko rin maliban sa kakarampot lamang ang nagawa nilang ekperimentasyon. Ang isang mahalagang abuloy ni Aquino ay ang paniniwala na kung ang isip ay di makalalabag sa Diyos, naangkop rin ang isip sa teolohiya. (Hollister p. 290-4, 355)
Isa sa tunay na alkimiko ng Europa noong Panahong Medyebal ay si Roger Bacon. Ang kanyang mga nagawa sa alkimiya ay maihahambing sa nagawa ni Robert Boyle sa kimika at ni Galileo sa astronomiya at pisika. Si Bacon na isang Franciscano mula sa Oxford ay nag-aral din ng optiks at mga wika kasama ang alkimika. Ang pananaw ng orden Fransicano na harapin ang mundo sa halip na talikuran ito ang nag-udyok sa kanyang pakiwari na mas mahalaga ang ekperimentasyon kaysa matuwid na pagpapaliwanag : "Sa tatlong bagay na kung saan ang tao ay nasasabing marunong: kapangyarihan, matuwid na isip, at karanasan; ang karanasan ang nagtatalab at nagbibigay ng kapayapaan sa isipan" (Bacon p. 367) "Ang agham ng pagsubok (experimental science) ang may kapangyarihan sa lahat ng agham. Binubuksan nito ang katotohanan na hindi masusumpungan ng pagpapaliwanag sa pamamagitan ng simulaing panglahat.. (Hollister p. 294-5) Sinasabing si Roger Bacon ang unang naghanap sa bato ng pilosopo at eliksir ng buhay: "Ang gamot na mag-aalis ng lahat ng dumi at kabulukan ng isang payak na metal na sa kanyang opinyon ay mag-aalis rin ng kabulukan sa katawan ng tao at magpapahaba ng buhay sa maraming daang taon dahil sa ang hantungan ng buhay ng tao sa Lupa ay ang maghintay at maghanda sa buhay na walang hanggan ng Diyos. Ang buhay na walang hanggan sa Lupa ay taliwas sa teolohiyang Kristiyano. (Edwards p. 37-8)
Hindi lamang isang alkimiko si Bacon noong kataasan ng Panahong Medyebal, siya ang pinakabantog dito. Ang kanyang mga ginawa ay ginamit ng mga sumunod na alkimiko nang siglo kinse hanggang siglo disenuwebe. Maraming magkakamukhang katangian ang mga alkimiko noong panahon ni Bacon. Una rito, halos lahat ay kasapi ng kaparian dahil kakaunti sa labas ng paaralang parokiyal ang may pinag-aralan upang suriin ang mga obrang mula sa Arabe. Ang alkimika noong panahong ito ay aprobado ng simbahan bilang magandang paraan upang saliksikin at paunlarin ang teolohiya. Marami sa mga pari ang interesado sa alkimiya dahil ito ay nagdudulot ng matuwid ng pananaw sa sanlibutan nang ang tao'y nagsisimula pa lamang matutuhan ang pagmamatuwid (rationalism). (Edwards p. 24-7)
Nang matapos ang siglo trese, ang alkimiya ay isang paniniwalang may maayos na balangkas. Pinakamalaga rito ay ang pagiging Kristiyano ng lahat ng mga alkimiko. Naniniwala sila sa mga hinuang macrokosmo-microkosmo ni Hermes na sinasabing sila'y naniniwala na ang mga prosesong tumatalab sa mga minerales at ibang sustansya ay makatatalab din sa katawang ng tao (halimbawa, kung matutuhan ang pagpapadalisay ng ginto, magagamit rin ito upang magpadalisay ng kaluluwa ng tao.) Kaya't kanilang pinaniniwalaan na ang bato ng pilosopo ang sustansyang magpapadalisay sa karaniwang metal (upang ito'y maging ginto) at ng kaluluwa. Naniniwala sila sa apat na elemento at apat na katangiang nabanggit at sila'y may malakas ng tradisyon na ikubli ang kanilang nakasulat na idea sa paggamit ng palikulikong pananalita upang magligaw. Sa kalaunan, ginamit ng mga alkimiko ang kanilang sining sa pamamagitan ng masusing pananaliksik na gumagamit ng kimika. Gumawa sila ng mga obserbasyon at hinua kung paano umiinog ang sanlibutan. Ang kanilang pilosopiya ay umiikot sa kanilang paniwala na ang kaluluwa ng tao ay nahahati sa loob niya matapos bumagsak si Adan. Ang pagpapadalisay ng dalawang bahagi ng kaluluwa ng tao ang siyang magpapabalik loob sa Diyos. (Burckhardt p. 149)
Noong siglo katorse, nagkaroon ng malaking pagbabago sa mga pananaw na ito. Inatake ni William ng Ockham, isang Franciscano sa Oxford na namatay noon 1349, ang pananaw na sinimulan ni Tomas na pagkakaangkop ng pananampataya sa matuwid. Ang kanyang pananaw, na tanggap ngayon ng karamihan, ay dapat na taggapin ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ang Diyos ay walang hanggahan sa matuwid ng tao. Ang pananaw na ito ay hindi mali kung taggap ang palagay nang isang walang-hangganang Diyos laban sa itinakdang matuwid ng tao. Ngunit ang pananaw na ito ang halos bumura sa sining ng alkimiya noon siglo 14 at 15. (Hollister p. 335) Noong unang bahagi ng mga taong 1300, si Papa Juan XXII ay nagpalabas ng kautusan laban sa alkimiya na nagtanggal sa lahat ng mga alagad ng simbahan na nagsasagawa ng Sining. (Edwards, p.49) Walang duda na kasama rin dito ang pagbabago ng klima, salot ng Itim, at pagdami ng kagamitang pandigma at tag-gutom ay sumagabal din sa pampilosopiyang pananaliksik.
Ang alkimiya ay napalawig tulad ni Nicolas Flamel, na nabantog lamang dahil isa siya sa mga kaunting manunulat noong kapanahunang iyon. Si Flamel ay nabuhay noong 1330 hanggang 1417 na naglilingkod na mataas na klase nang sumunod na yugto ng alkimiya. Hindi siya relihiyosong pantas katulad ng mga nauna sa kanya at ang lahat ng hilig niya ay umiikot sa paghahanap ng bato ng pilosopo na kanya raw natagpuan na. Ang kanyang gawa ay nagugol ng malaki sa pagpapaliwanang ng mga proseso at pagsasanib at hindi sa pagbibigay ng pormula sa paggawa ng pagbabagong-anyo. Kalimitan sa gawa niya ay nakatuon sa karunungang alkimika na umiiral na lalo na tungkol sa bato ng pilosopo. (Burckhardt pp.170-181)
Mula noong katanghalian ng Panahong Medyebal (1300-1500), ang mga alkimikong katulad ni Flamel ay masusing naghanap sa bato ng pilosopo at eliksir ng pagpapabata na pinaniniwalaang magkahiwalay na. Ang kanilang palihim na pagbanggit at simbolismo ay nagdulot ng marami at iba't-ibang pakahulugan sa sining na ito. Halimbawa, maraming alkimiko noong panahong ito ay may pakahulugan na ang pagdadalisay sa kaluluwa ay transmutasyon ng tingga para maging ginto (na kung saan paniwala nila na ang elementong merkuryo o asoge ay may napakahalagang kagampanan). Salamangkero o manggagaway ang tingin ng maraming tao sa kanila at kadalasang nilalait dahil sa kanilang mga gawain. (Edwards pp. 50-75; Norton pp lxiii-lxvii)
Isa sa mga sumulpot noong simula ng siglo diseseis ay si Heinrich Cornelius Agrippa. Paniwala ng alkimikong ito na siya ay isang salamangkero na tinuruan ang sarili ng tumawag sa mge espiritu. Maliit ang kanyang impluwensya, pero katulad ni Flamel, may mga isunulat siya na binanggit ng mga alkimikong sumunod sa kanya. Tulad ni Flamel, malaki ang nagawa niya upang mabago ang alkimiya bilang tagong (okultong) salamangka mula sa pilosopiyang mistiko. Napanatili niya ang mga pilosopiya nang mga naunang alkimiko kasama ang agham ng pagsubok, numerolohiya atbp., ngunit dinagdagan niya ito ng hinuang may salamangka na nagpatibay sa alkimiya bilang isang tagong paniniwala. Kahit pa mandin, nanatiling Kristiyano si Agrippa kahit na ang kanyang mga pananaw ay kadalasang labag sa turo ng simbahan. (Edwardes p.56-9; Wilson p.23-9)
[baguhin] Ang paghihingalo ng Alkimiya sa Kanluran
Ang paglubog ng alkimiya sa Kanluran ay dala ng pagsikat naman ng makabagong agham na nagbibigay pagpapahalaga sa masusing ekperimenstasyong nasusukat at sa mababang pagtingin sa mga "lumang karunungan". Kahit na ang punla sa mga kadahilanang ito ay itinatim noon pa mang siglo disesyete, ang alkimiya ay patuloy na yumabong sa mahigit na 200 taon at malamang na narurok noong siglo diseotso.
Si Robert Boyle (1627–1691), na nabantog sa kanyang pag-aaral ng mga gas (cf. Boyles law) ay una sa paggamit ng maka-agham na pamamaraan sa pagsasaliksik sa kimika. Wala siyang pakiwari sa kanyang mga eksperimento at kanyang sininop ang bawat nauugnay na datos. Sa isang tipikal na eksperimento, isinusulat ni Boyle kung saan ginawa ang eksperimento, ang lagay ng panahon, posisyon ng araw at buwan, ang lagay ng barometro sakaling mapatunayang may kaugnayan ito. (Pilkington p.11) Ang paraang ito ay nagbunga sa pagsilang ng makabagong kimika noong siglo diseotso at disenuwebe ayon sa rebolusyonaryong mga tuklas ni Lavoisier at John Dalton - na nagpakita ng maayos, nasusukat at maaasahang balangkas sa pag-aaral ng transmutasyong ng materya at nagpamulat sa buang na mithiing alkimika na matagpuan ang bato ng pilosopo.
Kasabay nito, ang alkimiko batay kay Paracelsius ang naglunsad naman sa makabagong medisina. Unti-unting nasumpungan ng mga mananaliksik kung paano nagtatrabaho sa katawan ng tao tulad ng pag-inog ng dugo (Harvey, 1616), at sa kalaunan ang pagkakatunton ng maraming sakit mula sa mga microbiyo (Koch at Pasteur, siglo 19) o kasalatan ng likas ng sustansya at bitamina sa katawan (Lind, Eijkman, Funk, et al.) Kasama ang mga magkakasabay ng unlad sa kimikang organika, madaling pinalitan ng bagong agham ang kanya papel sa medisina - pagpapaliwanag at paghahatol man - habang nawawala ang pag-asang matagpuan ang milagrosong eliksir at sa pagbubunyag ng walang bisa at sa kasadalasa's nakalalasong mga remedyo nito.
Kaya, habang ang agham ay unti-unting nasumusumpongan at nauunawaan ang gawa ng sanlibutan na nagmula sa sarili niyang metapisikang materyalistika, naiwanang salat ito sa kanyang mga kaugnayang kimika at panggagamot - ngunit nabibigatan pa rin ito ng tunay. Sa pagbagsak nito bilang laos ng sistema ng pilosopiya na walang kaugnayan sa mundong materyal, nagdusa ito tulad ng iba pang esoterikong disiplina tulad ng astrolohiya at Kabbalah: na di kasali sa curricula ng pamantasan, ni iniiwasan ng dating taga-tangkilik, nilalait ng mga siyentipiko, at kalimitang inihahambing sa dunong-dunungan at pamahiin.
Ang kaunlarang ito ay masasabing bahagi ng malawak na reaksyon sa intelektuwalismo sa Europa laban sa Romantisismo nang naunang siglo. Alalaungbaga, nakalulumong makita kung papaano ang isang disiplina na tinitingala sa kanyang dunong at materyal sa mahigit na dalawang libong taon ay madaling naglaho sa larangan ng Kanluraning kaisipan.
[baguhin] Ang Makabagong Alkimiya
Sa makabagong panahon, masasabing ang mga mithiin ng alkimiya ay nagampan na sa pamamagitan ng paggamit ng paraang siyentipiko hindi alkimiko.
Noong 1919, sa pamamagitan ng artipisyal na paggiba (artificial disintegration), nakagawa si Ernest Rutherford ng oksiheno mula sa nitroheno. Ang prosesong ito ng pagbomba ng nukleyo atomiko ng pinalakas na mga partikula sa likod ng mga pampatulin ng partikula (particle accelerator) na kung saan ang trasmutasyon ng mga elemento ay karaniwan. Sa katunayan noong 1980, si Glenn Seaborg ay nakalalang ng ginto mula tingga kahit kakaunti man at ang laki ng enerhiyang ginamit ay napakamahal upang magkaroon ng benipisyo pangkomersyo.
Sa taong 2005, ang pangsanlibutang gamot ay di pa rin nasusumpungan ngunit naniniwala ang mga futurists (maka-bukas) tulad ni Ray Kurzwell na ang mga unlad sa nanoteknohiya ay magpapahaba ng buhay. Sinasabing ang ikatlong layunin ng alkimiya ay nasumpungan na sa IVF at cloning ng binlig (embryo) ng tao kahit na ito'y salat pa sa teknolohiya upang makalalang ng buhay mula sa wala.
Ang layunin ng pananaliksik sa artipisyal na karunungan ay masasabing paglalang ng buhay mula sa wala at ang mga kontra sa pilosopiya ng artipisyal na karunungan (AI), inihahawig ito sa alkimiya tulad ni Herbert and Stuart Dreyfuss sa kanilang lathala noong 1960 ng Alchemy and AI.
[baguhin] Alkimiya sa panitikan
Maraming manunulat ang nanunuya sa mga alkimiko at ginagamit ito na pantira sa mga atakeng satiriko. Pinakabantog dito ay ang dulang The Alchemist (Ang Alkimiko) ni Ben Jonson. Nauna rito ng 200 taon ay ang Canon's Yeoman's Tale ni Geoffrey Chaucer.
Sa libro at pelikulang Harry Potter, ang "Bato ng Pilosopo" ay nabanggit. Ang batong ito ay nilalang ng mga alkimiko sa daigdig na ginawa ni J.K. Rowling. Ang batong ito ay may kapangyarihang gumawa nang isang wagas na ginto mula sa anumang metal, at ito'y nakagawa rin ng "Eliksir ng Buhay" na kung saan ang uminom nito'y mabubuhay ng mas mahaba sa normal. Si Nicholas Flamel na isang alkimiko ay lumabas sa nobelang ito at binigyan ng kredito na siya raw gumawa ng Bato. Sa istorya, kailangan daw na palaging inumin ang eliksir upang humaba ang buhay.
Isang alkimiko na nagngangalang Melquíades ay isang karakter sa klasikong nobelang One Hundred Years of Solitude (Daang Taong Pag-iisa) ni Gabriel García Márquez. Ang alkimikong motifs ay nagdagdag ng isang masalamangkang larawan sa nobela.
Sa ikalawang bahagi ng Faust, ginampan ni Johann Wolfgang von Goethe ang katulong ni Faust na si Wagner na gumamit ng alkimiya upang makagawa ng homunculus.
Doctor Illuminatus, The Alchemist's Son ni Martain Booth ay nagsasaysay tungkol sa alkimiya at isang homunculus.
May mahalagang papel din ang alkimiya, ang bato ang pilosopo, homunculi at marami pang sagisag ng alkimika (kasama ang ipinakong kulebra ni Flamel) sa seryeng anime/manga Fullmetal Alchemist (Hagane no Renkinjutsushi). Ang ibang anime/manga na sumunod sa Hagane no Renkinjutsushi tulad ng Busou Renkin ay gumagit rin ng elemento ng alkimiya.
Ang paraan ng alkimiya ay mahalaga sa pinakamabiling nobela ni Paulo Coelho na The Alchemist.
Ang katagang 'alkimika' ay paminsanminsang ginagamit sa pag-aaral ng karunungang nagsusumikap na maging agham. Halimbawa, sa mga sanaysay ni Larry Niven sa Known Space kanyang isinalaysay na ang sikolohiya noong siglo beinte ay nasa alkimikong antas pa lamang bago maging tunay na agham nang susunod na henerasyon.
Isang Laboratoryong Alkimiko, mula sa Ang Istorya ng Alkimikya at Simula ng Kimika.
[baguhin] Mga pinagbatayan
Tala mga reperensya, lahat sa wikang Ingles:
- Augustine (1963). The Confessions. Trans. Rex Warner. New York: Mentor Books.
- Burckhardt, Titus (1967). Alchemy: Science of the Cosmos, Science of the Soul. Trans. William Stoddart. Baltimore: Penguin.
- Debus, Allen G. and Multhauf, Robert P. (1966). Alchemy and Chemistry in the Seventeenth Century. Los Angeles: William Andrews Clark Memorial Library, University of California.
- Edwardes, Michael (1977). The Dark Side of History. New York: Stein and Day.
- Gettings, Fred (1986). Encyclopedia of the Occult. London: Rider.
- Hitchcock, Ethan Allen (1857). Remarks Upon Alchemy and the Alchemists. Boston: Crosby, Nichols.
- Hollister, C. Warren (1990). Medieval Europe: A Short History. 6th ed. Blacklick, Ohio: McGraw-Hill College.
- Lindsay, Jack (1970). The Origins of Alchemy in Graeco-Roman Egypt. London: Muller.
- Marius (1976). On the Elements. Trans. Richard Dales. Berkeley: University of California Press.
- Norton, Thomas (Ed. John Reidy) (1975). Ordinal of Alchemy. London: Early English Text Society.
- Pilkington, Roger (1959). Robert Boyle: Father of Chemistry. London: John Murray.
- Weaver, Jefferson Hane (1987). The World of Physics New York: Simon & Schuster.
- Wilson, Colin (1971). The Occult: A History. New York: Random House.
- Zumdahl, Steven S. (1989). Chemistry. 2nd ed. Lexington, Maryland: D. C. Heath and Co.
- Greenberg, Adele Droblas (2000) Chemical History Tour, Picturing Chemistry from Alchemy to Modern Molecular Science Wiley-Interscience ISBN 0471354082